Sunday, February 9, 2014

Nais Ko'y Magsulat

Kagustuhan ko'y magsulat, ako ngayo'y nakatitig
Nakatitig sa kawalan, ako'y nag-iisip
Nag-iisip ng salita, laman ng puso't isipan
Isipan na lumulutang, 'di makamit ang kagustuhan
Kagustuhan ko'y magsulat, nais ipahayag ang damdamin
Damdamin ng taong madaming inililihim
Inililihim ang sakit, pilit pinagtitiisan
Pinagtitiisan ang lahat, masunod lang ang kagustuhan
Kagustuhan ko'y magsulat, hangarin ng isang hangal
Hangal na tulad ko, di inaalintana ang sagabal
Sagabal na nagpapablangko ng kaisipan
Kaisipan na kailangan upang makamtan ang kagustuhan
Kagustuhan ko'y magsulat, ako'y kanyang alipin
Alipin na ninanais na talento'y maangkin
Maangkin ang husay ng mga hinahangaan
Hinahangaan na siyang inspirasyon sa nauudlot na kagustuhan

No comments:

Post a Comment