Sunday, February 9, 2014

Pool

Masayang-masaya ang mag-asawa na sa loob ng tatlong taong pinagsamahan nila ay nagbunga na ang kanilang pagmamahalan. Sa kabila ng hirap at pagtitiis sa sakit na nadarama ay naisilang na ni Rebecca ang kanyang unang anak. Ngunit, sa hindi inaasahang bagay, naglaho ang guhit ng ngiti mula sa mukha ni Filemon.
"Uuurrggghhhh!", ang bulalas ni Rebecca. Makikita sa mukha ni Rebecca ang halong hirap at tuwa habang umiiri. Nananabik na itong makita ang kanyang unang anak.
Sa labas naman ng delivery room ay ang hindi mapakaling si Filemon, ang asawa ni Rebecca. Halos lahat na ata ng santo ay kanyang nadasalan. Halos mahilo na din ang mga nakatingin sa kanya dahil kanina pa siya palakad-lakad. Hindi manatili sa iisang lugar. Gulong-gulo na ang kanyang pag-iisip. Ngunit kahit ganito ang kanyang nadarama, mapapansin ding nasasabik na itong makita ang kanyang unang anak.
"Misis, konti na lang, konting tiis na lang!", ang sabi ng doktor. Sinusunod naman ni Rebecca ang utos sa kanya ng doktor, mula sa paghinga hanggang sa pag-iri. Kahit na nagsisigaw ang ginang ay nagpupumilit itong makamit ang tagumpay, ang mailabas ang anak mula sa sinapupunan.
At sa pamamagitan ng isang matinding pag-iri ay nailabas ng tuluyan ang kanyang anak. Hapong-hapo naman ang katawan ni Rebecca at agad na itong nagpahinga.
Sa pagbukas ng pinto ng delivery room ay biglang naglapitan ang mga kaanak at kasambahay ni Rebecca, at sumalubong naman sa doktor ang kanyang kabiyak.
"Congrats po Sir! Tagumpay pong naisilang ang inyong anak na babae!", ang malugod na pagbati ng doktor sa bagong ama. Abot tenga naman ang ngiti ni Filemon. Nagtatalon ito sa tuwa at napayakap sa mga kaanak nito. Dahil na din sa excitement nito ay nagpumilit na makita ang anak. Pinayagan naman ito ng doktor matapos na mapunasan ang dugo sa sanggol at magawa ang pagsusuri dito.
"Nurse? Si-siya ba ang anak ko?!", ang laking pagtataka ng ama. Tumango naman ang nurse at iniabot sa kanya ang anak. Hindi nito magawang kunin ang anak. Bigla itong tumakbo palayo. Hindi nito matanggap ang hitsura ng anak, na may bingot, maliit ang kaliwang tenga, at may diperensya sa binti.
Nang magkamalay si Rebecca, agad nitong hinanap ang anak niya. Agad din namang kinuha ng nurse ang sanggol at iniabot sa kanya. Sa kabila ng hitsura nito ay tinanggap niya ang anak ng buong buo. Pinangalan niya ang anak na Maria. Buong sigla nitong ipinaghele ang anak, at nagbigay pasalamat sa Maykapal.
Pitong taon na ang lumipas at hindi pa din matanggap ni Filemon ang kanyang anak. Kahit anong gawing lambing at kabutihan sa ama ay binabalewala lang siya nito. Kahit na nakakaangat sila sa buhay ay hindi nito mapapalitan ang kakulangan ng ama sa kanyang anak.
Ginagawa naman ni Rebecca ang lahat para maging masaya ang anak, ngunit hindi pa din sapat para maramdaman ni Maria na kumpleto siya. Nananabik pa din ang bata sa kalinga ng kanyang ama na binubuhos ang oras sa trabaho. Kapag umuuwi ang ama nito ay dumidiretso na agad sa kwarto para matulog. Kahit kay Rebecca ay tila nawawalan na ito ng oras.
Minsan ay naglalaro mag-isa si Maria sa tabi ng pool. Nataon kasing wala ang kanyang yaya. Nagbababad na naman kasi ito sa telepono kausap ang nobyong nasa kabilang subdivision. Biglang lumakas ang ihip ng hangin at sa pagkakataong ito ay natabig nito ang manika sa pool. Pinilit nitong abutin ang laruan, at dahil sa madulas na sahig ay nahulog ang bata sa swimming pool. Nagpupumiglas ang bata. Hindi ito marunong lumangoy. Naghahabol ng hininga. Naghahanap ng makakapitan.
Tyempo na nandoon ang ama nito na si Filemon, pero kahit nalulunod na ang anak nito ay nanatili ito sa kanyang kinatatayuan sa 'di kalayuan. Kahit na kinakapos na ng hininga ang bata ay hindi nito nagawang lapitan para saklolohan ang sariling anak. At dahil na din sa walang makapitan, tuluyang nalunod si Maria. Matapos ang tatlumpung minuto ay nakita ng yaya nito ang walang buhay na bata. Nagsisigaw ito at agad na nakakuha ng atensyon.
Huli na para isugod pa sa ospital. Binawian na ito ng buhay. Tanging ang payapang tubig lamang ng swimming pool ang naging testigo sa pangyayari.
Masakit para sa karamihan ang pagkawala ni Maria. Kahit hindi normal ang pangangatawan nito ay may busilak naman itong kalooban. Magiliw, masayahin at mabait.
Agad na ibinurol ang bata. Nagsipuntahan ang mga kaanak nila at nakiramay. Hindi man matanggap ng inang si Rebecca ang pangyayari, pinilit nitong maging matatag dahil alam nitong dito mapapayapa ang kaluluwa ng anak. Pinilit niyang buhatin ang sarili. Ngunit kahit anong tatag ang kanyang pinakita, pagsilip niya sa kabaong ng anak ay bumuhos ang mga luha nito. Ang lungkot na hindi pa niya nararamdaman sa buong buhay niya. Ang mga luha nito'y pumatak sa salamin ng kabaong ng anak. Nagsisigaw ito. Naghihinagpis.
Dahil sa pakitang-tao ay lumapit si Filemon sa anak. Pinagmasdan ang mukha ng bata. Bumulong ito at sinabing, "Mabuti naman at wala ka na. Matahimik ka na sana." Agad siyang kinilabutan ng mapansin ang mga tumulong luha mula sa mga mata ni Maria.
Dahil sa nakita'y agad itong tumungo sa banyo. Naghilamos ito ng naghilamos. Ang bawat patak ng tubig ay dumadaloy sa natatakot na mukha nito. Ngunit sa pagharap nito sa salamin ay nakita niya ang anak na malungkot na nakatingin sa kanya, na tila naghahanap pa din ng kalinga. Agad nitong pinagmumura ang nakita at tumakbo palayo.
Makalipas ang tatlong taon ay natanggap na ng pamilya ang pagkawala ni Maria at muli silang nabiyayaan ng isang anak. Sa pagkakataong ito, isang napakagandang babae ang naging bunga ng kanilang pagsasama. Nanumbalik ang saya ni Rebecca. Abot langit na pasasalamat naman ni Filemon dahil sa tanggap na tanggap nito ang bagong anak. Ibinuhos nilang mag-asawa ang kanilang pagmamahal sa anak na si Anna. Lahat ng naisin nito ay kanilang sinusunod. Ngunit sa kabila ng lahat ng luho sa mundo ay nanatiling mabait ang bata. Magiliw ito at masiyahin. Kahit sa munting bagay ay masaya na ito.
Dumating ang ika-pitong kaarawan ni Anna. Lahat ay abala sa paghahanda. Si Anna naman ay naglalaro sa tabi ng swimming pool. Napansin ni Filemon na nag-iisa ang anak. Agad niya itong nilapitan.
"Anak, bakit naman mag-isa ka dito? Ayaw mo bang sumama sa paghahanda sa kaarawan mo?", ang tanong ng ama nito.
"Okay lang po ako Dad. Gusto ko po dito kasi payapa. Ramdam ko din po ang simoy ng hangin at lamig na nanggagaling sa pool", sagot ni Anna.
Inilabas ni Filemon ang kwintas na regalo nito sa bata. Agad naman niya itong isinuot sa leeg nito.
"Nagustuhan mo ba anak?"
"Opo naman Dad! Ang ganda! Salamat po!", sabay halik sa pisngi ng ama.
Matapos na mapagmasdan ang kwintas ay bumalik sa pagkakatitig sa swimming pool ang bata. Naaaninag ang bakas ng lungkot sa mga mata nito.
"Anak, ayos ka lang ba?"
"Hm, Dad, may itatanong sana ako."
"Ano 'yun anak?", ang nagtatakang tanong ng ama.
"Maganda po ba ako?"
"Oo naman anak. Pareho kayong maganda ng Mommy Rebecca mo. Kayo ang pinakamagagandang babae sa mundo!"
Hindi inaasahan ni Filemon na may lungkot na itinatago ang anak. Pinilit niyang malaman ang nararamdaman ng anak. Kung may sakit ba ito? May nakaaway na kaibigan? May nawalang laruan? Nagugutom?
Bigla na lang nagsalita si Anna at sinabing, "Dad, 'di ba po maganda ako? Ngayon po ba, kung sakaling mahulog po ako sa swimming pool, hahayaan mo din po ba akong malunod at mamatay tulad noon?"

No comments:

Post a Comment