Sunday, February 9, 2014

Saan Ka Ba Patutungo?

Isang umaga habang ako ay nasa harap ng hapag-kainan na humihigop ng mainit na kape at kumakain ng bagong lutong pan de sal ay bigla kong narinig ang sigawan sa kabilang bahay. Hindi ko naman gawaing makinig at makiusyoso, subalit nung pagkakataong iyon, hindi ko sinasadyang mapakinggan ang malinaw na boses ng isang galit na nanay habang sinisermunan ang kanyang anak na lalaki upang pumasok lamang sa paaralan.
"Napakawalang kwenta mong bata ka! Puro barkada at bisyo ang inaatupag mo! Hindi namin pinupulot sa kalsada ang ginagastos namin sa pag-aaral mo! Anong akala mo sa amin? Tiga-luwal lang ng pera pambisyo mo? Palibhasa wala kang iniisip na responsibilidad!" Iyan at higit pa ang binitiwan ng isang ina isang maganda sanang umaga para sa kanila.
Hindi na bago ang mga eksenang ito. Kung tutuusin wala pa ito sa mga nasaksihan ko. Hindi ito dapat maging tampulan ng panunukso at kahihiyan sapagkat ipinapakita lamang dito na malaki ang inaasahan ng mga magulang sa kanilang mga anak. Pag-asang unti-unting nawawala bunsod ng napakaraming elemento sa paligid dala ng mga pagbabago sa ating panahon.
Karamihan sa mga magulang ay iginagapang ang kanilang mga anak upang makapagtapos ng pag-aaral, para maabot ng mga ito ang kanilang mga pangarap. Ninanais nilang maging makabuluhan ang mga anak nila sa pagpapabuti ng kanilang mga sarili, pamilya at maging ng sa ating lipunan. Hangarin ng mga ito na maging mahalagang sangkap ang kanilang mga anak sa pag-unlad ng kanilang pamumuhay at pati na din ng sa bayan.
Subalit nasaan na nga ba ang mga kabataang minsan ay tinagurian ding pag-asa ng ating dakilang si Gat. Jose Rizal? Sila ba ang mga kabataang nagpapayaman sa mga negosyanteng nagma-may-ari ng mga video-han, ng mga computer shop na napakaraming computer games, ng mga bilyaran, at iba pang mga katulad na libangan? Sila ba ang mga kabataang pumupuno sa mga bar sa Malate at sa Libis? Sila ba ang mga kabataang maagang namulat sa mga bisyong tulad ng sigarilyo, ng alak at ng droga? Sila ba ang mga kabataang nabulag sa tawag ng laman at kahalayan?
Noong kabataan ko, masasabi kong hindi ko alam. Sino ba naman ako upang magmalinis at humusga sa mga kabataan? Inaamin kong ako man ay may mga kahinaan at pagkukulang. Ako man ay maaring nakasama din nila sa kung saan man ako itahak ng aking mga paa, sa kung saang lugar bumaling ang aking paningin. Tunay ngang nakalilibang ang mga ganoong uri ng gawain. Tunay ngang kakaibang damdamin at karanasan ang makukuha mula sa mga ito. Sino ba naman ako para tumanggi? Ano nga ba ang kaibahan ko sa kanila?
Muli, naalala ko ang galit ngunit malungkot na tinig ng isang ina ng umagang iyon. Pumasok din sa aking isipan ang pagod na mukha ng aking sariling mga magulang mula sa maghapong paghahanap-buhay, upang ako ay makapagtapos, makapag-aral ang aking kapatid at makaraos sa bawat araw. At sino din ba naman ako para saktan sila? Sino ako para biguin ang kanilang pag-asa kapalit ng mga panandaliang kasiyahang inihain sa aking harapan ng aking mapaghamong kapaligiran?
Sadya ngang napakahirap sumunod sa tuwid at balanseng panuntunang inilaan upang tayo'y maging mabuti. Napakakipot ng landas patungo sa katuparan ng magagandang pangarap, ng mga taong malaki ang pagtitiwala at pag-asa sa atin. Samantalang, 'di hamak na nakaaakit naman ang daang tinatahak ng nakararami. Napakalawak, napakadali ng paglalakbay. Subalit lahat ng pumiling tumahak sa landas na iyon ay pawang nangagsiligaw at nawalan ng tiyak na patutunguhan.
Maaari ngang pareho lang ako sa mga kabataan ngayon at wala akong ipinag-iba sa karamihan. Ngunit, ayokong maligaw at mawala. Ayokong lumuha ang mga taong nagmamahal at umaasa sa akin. Ayokong biguin ang aking mga magulang. Ayokong ikahiya ng aking bayan.
At sa pagitan ng pagtitiis o kasiyahan, ng pagsisikap o paglilibang, ng tama o mali, isa lang ang maaaring magwagi. Tulad ko, ikaw lamang, ang maaaring pumili. Kung saan ka patutungo, ikaw pa rin ang siyang magpapasya. At nawa'y sa bawat kapasyahan ay isaalang-alang, na ikaw pa rin ang pag-asa ng bayan.

No comments:

Post a Comment